By Christian Edu Villegas
(Vol. XXVII No. 9, Editorial Cartoon)
(Vol. XXVII No. 9, Editorial Cartoon)
Hayop at malansa
“Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Ito ang isa sa pinakatanyag na sinabi ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal – isang linya na naglalayong ipabatid sa lahat na kailangang mahalin ang ating wika, ang wikang Filipino.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto kung saan nagiging tanyag na naman ang pagsasabi sa pangungusap na “ikaw ay higit pa sa hayop at malansang isda kung hindi mo mahal ang iyong sariling wika. Malamang marami sa atin ang naguguluhan dahil hindi nagkakatugma ang mga itinuturo sa atin sa apat na sulok ng silid-aralan. Sa asignaturang Filipino, sinasabing ang pagmamahal sa sariling wika ay susi sa pagkakaisa at kaunlaran. Sa kabilang dako, sa asignaturang Ingles o maging sa halos lahat ng klase, hinihikayat tayong pagyamanin at gamitin ang wikang Ingles o maging ang ibang wikang banyaga. Wika nga, “Speak good English, your future depends on it”.
Malamang marami sa atin ang nagtatanong: Kung ang pagsasalita ng wikang banyaga ay pagiging mas masahol pa sa hayop at pagiging mas malansa pa kaysa sa isda, bakit tayo tinuturuan ng wikang Ingles? Bakit lahat ng ating mga asignatura, maliban sa Filipino, ay Ingles ang ginagamit na wika? O, ang pagsasabi ba sa pangungusap na “ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda” ay nagagamit lamang tuwing buwan ng Agosto?
Itinuturo ang Ingles mula elementarya hanggang kolehiyo, at ito’y bahagi na ng buhay ng bawat mag-aaral. Hinihikayat ng halos lahat ng paaralan na gamitin ang Ingles bilang midyum sa pakikipagtalastasan at hindi maipagkakailang malaki ang naging epekto nito sa buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa mga estudyante. Sa katunayan, ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming populasyon na gumagamit ng wikang Ingles.
Alam natin kung bakit kailangang pagyamanin ang pagsasalita ng Ingles. Ito ay dahil ang Ingles ang itinuturing na “universal language”, kaya para makipagsabayan sa pandaigdigang kompetisyon, kailangan ng bawat Pilipino na matuto at magsanay sa wikang ito. Ang wikang Ingles ang pangunahing sandata natin upang makipagsabayan sa kahit sinuman sa mundo.
Totoo nga na mahalagang pagyamanin ang pagsasalita ng wikang Ingles. Sa kabilang dako, narito naman ang kahalagahan ng sariling wika – ang wikang Filipino. Maliban sa ito ang instrumento ng komunikasyon sa bansang Pilipinas, ito rin ang nagbubuklod sa isang bansang malaya at ang sinasabing daan tungo sa sariling pagkakakilanlan, pagkakaintindihan, pagkakaisa, at pagpapalaganap ng kaalaman. Mahalaga ang wikang Filipino dahil sa pamamagitan nito, nagiging mas madali ang pagkakaintindihan ng mga Pilipino mula Aparri hanggang Jolo lalung-lalo na dahil ang Pilipinas ay isang bansang binubuo ng mahigit isandaan at pitumpung wika.
Mahalagang pagyamanin, at higit sa lahat, mahalin ang sariling wika – ang wikang Filipino. Sa kabilang banda, mahalaga ring matutunan at sanayin ang pagsasalita ng wikang Ingles. Hindi natin maikakaila na parehong mahalaga ang wikang Filipino at Ingles.
Ngayon, ang pagsasanay ba sa wikang Ingles ay nangangahulugang pagiging hayop at pagiging malansa? Hindi. Bakit? Dahil hindi nangangahulugang ang pagsasalita ng Ingles ay paglimot sa wikang Filipino. Hindi ka hayop at malansa kung nagsasalita ka ng Ingles dahil maaari namang pagsabaying sanayin at pagyamanin ang dalawang wika. Parehong mahalaga ang dalawang wika– ang Filipino upang mapagbuklod ang ating bansa, at ang Ingles upang maging handa sa pandaigdigang kompetisyon.
Tungkulin ng bawat Pilipino na mahalin ang sariling wika kasabay ng pagsasanay ng sa ibang wika upang maging handa sa pandaigdigang panukatan. Nagiging totoong ‘higit pa sa hayop at malansang isda’ lamang ang isang Pilipino kung nakaligtaan niyang gampanan ang ganitong tungkulin.

No comments:
Post a Comment